Wednesday, February 9, 2011

PINOY AKO!!!

Sa unang blog na ito, gagamitin ko ang pambansang wika ng mahal kong PILIPINAS. Dahil mahal ko ang aking bayan, gusto kong ibahagi sa lahat ng mambabasa na marunong akong magsalita.

Alam ko, maraming nagsasabing mahal natin ang ating bayan, pero ano ba ang nakikita sa ating mga gawain? Masasabi mo bang mahal mo ang bayan mo, kung sa simpleng pagtapon ng basura sa basurahan ay hindi mo magawa? Sa simpleng pagsunod sa alituntunin ng trapiko ay hindi mo makaya? Kahit sa simpleng bagay lamang na maari nating magawa, makakatulong tayo sa pag-unlad ng bansa. Pwede tayo maging modelo sa mga bata, ika nga nila sa mata ng bata, ang ginagawa ng matatanda ay laging tama. Sana naman sa sarili natin mismo tayo magsimula ng pagbabago. Hindi dapat tayo makuntento kung ano ang meron tayo, dapat natin isipin ang ating hinaharap,hindi lamang ang kasalukuyan. Isipin ang nakaraan at gawin ang nararapat para hindi na muling pagdaanan.

Ang kabataan ang pag-asa ng bayan, pero sa panahong ito, masasabi pa ba natin na sila o tayo parin ang pag-asa ng bayang ito? Hindi naman tayo siguro bulag upang hindi natin makita ang nangyayari sa mga kabataan sa kasalukuyan, palagi na lang kahirapan ang rason kung bakit nagkakaganito ang mga tao, pero naisip ba natin na dahil din ito sa pagiging tamad at walang bahala na estilo ng pamumuhay natin kaya tayo nahihirapan? Matatalino naman tayong mga pinoy eh, hindi lang natin talaga ginagamit sa wastong pag-iisip ang katalinuhan natin.

Sige na, humahaba na ang usapan, ang gusto ko lang namang sabihin ay, kahit na marami pa ang mga eskandalo na hinaharap ng bansa sa nakaraan at lalo na sa kasalukuyan, hindi mawawala sa akin ang pagiging pinoy, kahit na baliktarin man ang munod, ako ay ipinanganak sa Pilipinas at ako ay isang pilipino, sa isip,sa salita at sa gawa. Gugustuhin ko pa rin maging isang pinoy. Hindi lang naman puro negatibo ang nakukuha natin, meron din namang positibo at dapat ipagmalaki! Dapat nating mahalin ang ating bayan. Dahil, hindi lang iisa ang namatay para ipagtangol ito!

No comments:

Post a Comment